Mariing pinabulaanan ni Vice President Sara Duterte ang akusasyon ni Ramil Madriaga, na nagpakilalang dating aide at “bagman,” na humingi siya ng tulong upang makapasa sa law school.
Sa isang opisyal na pahayag ngayong Miyerkules, Abril 15, sinabi ni VP Sara na ang nasabing claim ay isa lamang sa mga “kasinungalingan” na nagmumula sa isang taong desperado, na kasalukuyang nakakulong dahil sa kasong kidnapping.
Iginiit ng Pangalawang Pangulo na natapos niya ang kanyang pag-aaral ng batas sa sariling sikap at hindi siya nangailangan ng tulong ng ibang tao.
Sinabi rin ni VP Sara na kailanman ay hindi siya humingi sa anumang propesor ng special accommodation para sa kanyang mga grado, dahil ang minimum requirements sa law school ay madali naman umanong maabot.
Binigyang-diin niya na pasado siya sa Bar Exam noong 2005 sa unang subok pa lamang niya noong Setyembre ng parehong taon, kung saan nakakuha siya ng general weighted average (GWA) na 80.
Nauna nang tinawag ng kampo ni Duterte na “delusional” at “pure fiction” ang mga pahayag ni Madriaga sa House Justice Committee hearing.
Sinabi pa ni VP Sara na ang mga alegasyong ito ay bahagi ng isang pagsisikap na sirain ang kanyang reputasyon kaugnay sa mga usapin ng impeachment.
















