-- Advertisements --

Magpapatuloy ang ilang programa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga tsuper at commuter, sa kabila ng umiiral na election spending ban kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, sinabi nitong layunin ng exemption na matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo at ayuda para sa mga kwalipikadong benepisyaryo habang umiiral ang spending ban.

Kabilang sa pinayagang ipagpatuloy ang Fuel Subsidy Program, Love Bus Libreng Sakay, EDSA Busway Extension, at buwanang ayuda para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Public Transport Modernization Program o PTMP.

Gayunman, may mga kondisyon ang COMELEC sa pagpapatuloy ng mga programa. Kabilang dito ang pagbabawal sa pagdalo o pakikilahok ng mga elective official, kandidato, nominee at aspirant sa pamamahagi ng ayuda.

Hindi rin dapat gamitin ang mga programa para maimpluwensiyahan ang resulta o proseso ng halalan.

Inatasan din ng poll body ang LTFRB na isumite ang guidelines ng mga programa at regular na ulat sa paggamit at pagpapalabas ng pondo.

Nagbabala ang komisyon na maaaring bawiin ang exemption kapag napatunayang hindi sinunod ng LTFRB ang mga itinakdang kondisyon.

Nagsimula noong Setyembre 18 ang election spending ban at tatagal hanggang Nobyembre 1, isang araw bago ang BSKE.