Isang dating alkalde ang posibleng tuluyang tanggalan ng lisensya sa pagmamaneho matapos ang viral video sa social media kung saan umano’y pinatakbo niya ang isang gas attendant na hindi binayaran ang gasolina sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Allacapan, Cagayan.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), inihahanda na ang lifetime revocation ng driver’s license ng dating opisyal at paglalagay ng “alarm” status sa kanyang sasakyan para hindi na ito magamit.
Nabatid na nagpakarga ng gasolina ang dating alkalde ngunit hindi umano ito nagbayad bago umalis, dahilan upang habulin siya ng pump attendant na kabilang sa isang Indigenous Peoples (IP) community.
Ipinakita pa umano ng dating mayor ang pangyayari sa pamamagitan ng pag-video mula sa passenger seat ng kanyang sasakyan, na kalaunan ay napag-alaman na content vlog.
Dahil dito kinondena ng LTO ang ginawa ng dating opisyal at sinabing hindi dapat ginagawang content ang isang sitwasyon na maaaring mapanganib at nakaka-degrade sa ibang tao.
Lumabas din sa imbestigasyon na maaaring pagmamay-ari ng dating alkalde ang gasolinahan kung saan nangyari ang insidente.
Naglabas na rin ang LTO ng show cause order laban sa kanya, sa driver, at sa rehistradong may-ari ng sasakyan.
Pinagpapaliwanag sila kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng reckless driving at ideklarang hindi karapat-dapat na magmaneho.
Samantala, inutusan rin ang driver na i-surrender ang kanyang lisensya na nasa 90-day preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
















