Maaaring bawiin ng Land Transportation Office o LTO ang lisensya ng mga motorista na mapatutunayang naglagay sa panganib sa mga pedestrian.
Ito ay kasunod ng inilabas na Memorandum No. MVL-2026-229 na nagtatakda ng mas malinaw na proseso sa pagdodokumento at pag-iimbestiga sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga pedestrian.
Sa ilalim ng memorandum, maaaring ideklarang “Improper Person to Operate a Motor Vehicle” ang isang motorista alinsunod sa Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code.
Maaari itong maging batayan sa pagbawi ng lisensya, ngunit kailangan pa ring dumaan sa kaukulang proseso at mabigyan ng due process ang motorista.
Partikular na sakop ng polisiya ang mga insidente sa pedestrian lanes o designated pedestrian crossings.
Kabilang sa mga itinuturing na pedestrian ang mga bata, senior citizen, persons with disabilities, mga gumagamit ng wheelchair, saklay, tungkod at iba pang mobility devices.
Sakop din ang mga taong nagtutulak ng stroller o kariton, mga pasaherong kabababa o sasakay pa lamang ng sasakyan, gayundin ang mga traffic enforcer, road worker at iba pang awtorisadong personnel na nagsasagawa ng tungkulin sa kalsada.
Gayunman, paglilinaw ng ahensya, susuriin pa rin ang bawat insidente batay sa kabuuang pangyayari, kabilang ang kilos ng pedestrian, bago magpatupad ng kaukulang administrative action.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, layunin ng hakbang na maprotektahan ang buhay ng mga pedestrian at mapanagot ang mga motoristang maglalagay sa kanila sa panganib.
















