Viral ngayon online ang pag-unfollow ni Louis Tomlinson ng One Direction sa dati nitong ka-bandmate na si Zayn Malik sa Instagram, kasunod ng mga ulat ng umano’y alitan.
Umugong ang isyu matapos ilathala ang nangyaring alitan sa dalawang singer habang nasa shoot ng isang documentary project.
Ayon pa sa ulat, nagsimula ang tensyon nang magbitaw umano si Zayn ng komento tungkol sa yumaong ina ni Louis na si Johannah Deakin, na pumanaw noong 2016 dahil sa leukemia.
Sinasabing dito na lumala ang sitwasyon, at nauwi umano sa pisikalan kung saan nasuntok ni Zayn si Louis. Dahil umano sa suot na singsing, nagkaroon ng sugat sa ulo si Louis at nagtamo rin ng concussion.
Sa ngayon ‘wala pang opisyal na pahayag mula kina Louis Tomlinson at Zayn Malik hinggil sa kumakalat na isyu, maski ang kanilang agent ay tikom din ang bibig tungkol sa insidente.
Hindi pa rin naglalabas ng komento ang kilalang streaming platform kaugnay ng naturang proyekto.
Samantala, kapansinpansin naman na naka-follow parin si Louis sa iba pang dating One Direction members na sina Harry Styles at Niall Horan, pati na rin ang yumaong si Liam Payne.
Bagama’t nanatiling espekulasyon ang insidente, umaasa ang mga tagahanga ng dalawang singer na magkakaroon ng malinaw na paliwanag mula sa mga artist tungkol sa isyu.















