-- Advertisements --

Muling nagpaalala ang Civil Service Commission (CSC) sa lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno na magsumite ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) bago o sa Abril 30, alinsunod sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Ayon sa CSC, obligasyon ng lahat ng kawani sa national at local government, state universities and colleges, and government-owned or -controlled corporations (GOCCs) na magsumite ng SALN na naglalaman ng kumpletong deklarasyon ng kanilang yaman, utang, at interes sa negosyo. Hindi saklaw nito ang casual workers at mga nasa honorary positions.

Kinakailangang magsumite ng SALN sa loob ng 30 araw matapos pumasok sa serbisyo, taun-taon bago ang Abril 30, at sa loob ng 30 araw matapos umalis sa gobyerno. Ipinatupad din ang bagong 2025 SALN form at pinapayagan na ang digital filing.

Ayon sa Civil Service Commission (CSC) Resolution No. 2500632, maaaring magsumite ng tatlong orihinal na kopya sa Human Resource Management Office (HRMO) ng ahensya, at dapat tiyakin na kumpleto at pirmado ang bawat pahina.

Pinapaalalahanan din ang Human Resource Management Office (HRMO) na isumite ang consolidated SALN ng kanilang ahensya sa tamang repository office bago o sa Oktubre 30 ng bawat taon. ( report by Bombo Jai)