Nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipino laban sa pagsali sa mga dayuhang armed forces, kasunod ng ulat na isang Filipino national ang nasawi habang lumalaban para sa Russia sa digmaan laban sa Ukraine.
Ayon sa DFA, ang pakikilahok sa mga armadong tunggalian sa ibang bansa ay naglalagay sa mga Pilipino sa matinding panganib at maaaring magdulot ng seryosong legal na kahihinatnan. Mahigpit ding pinapayuhan ang publiko na mag-ingat sa mga alok ng trabaho sa abroad na maaaring magsilbing takip sa recruitment para sa foreign armed forces.
Binigyang-diin ng ahensya na ang direktang o hindi direktang pagsali sa dayuhang militar ay maaaring lumabag sa batas ng Pilipinas at magresulta pa sa pagkawala ng pagkamamamayan.
Noong huling bahagi ng Enero, iniulat ng Military Intelligence ng Ukraine na isang Pilipino ang napatay sa labanan sa Donetsk region. Ayon sa ulat, kabilang umano siya sa isang yunit ng Russian military.
Hinimok din ng DFA ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa abroad na tiyaking beripikado ang mga job offer, recruitment agency, at employer sa Department of Migrant Workers (DMW), at manatiling mapagmatyag laban sa iligal o mapanlinlang na recruitment na maaaring magbanta sa kanilang buhay at kapakanan. (report by Bombo Jai)
















