Hindi isinantabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr ang posibilidad na ginamit sa paniniktik ang hinihinalang illegal POGO hub sa Barangay Socorro, Quezon Cty, malapit sa Camp Aguinaldo at Camp Crame.
Gayunman, sinabi niyang kailangan munang suriin ang mga nakuhang materyales upang matukoy ang aktuwal na operasyon nito.
Sa raid noong Oktubre 12, 76 katao, karamihan ay Chinese nationals, ang naaresto ng mga awtoridad.
Tumulong ang Armed Forces of the Philippines sa Bureau of Immigration sa operasyon laban sa hinihinalang illegal POGO hub.
Ayon sa AFP, iniimbestigahan ang mga naaresto kaugnay ng posibleng paglabag sa immigration laws at pagbabawal sa POGO .
Sinabi rin ni Teodoro na maaga pa upang matukoy kung may mga opisyal ng pamahalaang nagbigay-proteksiyon sa operasyon o kung may pagkukulang na nagbigay-daan sa pag-iral nito.
Samantala, nagbabala si Teodoro na maaaring nagkakawatak-watak sa mas maliliit na operasyon ang malalaking scam hub, kaya kailangang palakasin ang koordinasyon at pagtuklas ng mga awtoridad.
Patuloy namang tutulong ang AFP sa iba pang ahensiya sa surveillance at enforcement operations.














