Tinamaan ng Ukrainian drones ang pinakamalaking data center ng Russia sa Balakovo, kasunod ng tatlong pag-atake sa mga data center na pag-aari ng Russian technology group na Yandex noong nakaraang linggo.
Pag-aari ng Sberbank, ang pinakamalaking bangko at technology company sa Russia, ang naturang pasilidad. Gayunman, tiniyak ng kumpanya na normal at walang aberyang nagpapatuloy ang operasyon ng mga sistema at serbisyo nito.
Naganap ang pag-atake habang pinalalakas ng Moscow ang kakayahan ng Russia sa artificial intelligence upang makasabay sa United States at China. Ayon sa ulat ng Russian state news agency noong 2024, nakatakdang mag-host ang data center ng pinakamalaking supercomputer ng bansa, na inaasahang magagamit sa 2027.
Samantala, nagsagawa si Russian President Vladimir Putin ng hindi inanunsiyang pulong kasama ang matataas na opisyal hinggil sa information security. Ayon sa Kremlin, walang kaugnayan ang pulong sa mga pag-atake sa mga data center.















