Magbabayad ng mas mataas na singil sa kuryente ang mga konsumer ng Manila Electric Co. (Meralco) ngayong Pebrero, matapos ipatupad ng kumpanya ang dagdag na P0.22 kada kilowatt hour (kWh) sanhi ng mas mataas na transmission charge.
Ayon sa Meralco, ang kabuuang singil para sa karaniwang household ay tumaas sa P13.1734/kWh mula sa P12.9508/kWh noong Enero.
Ibig sabihin, ang mga konsumer na kumokonsumo ng 200 kWh ay makakakita ng dagdag na P45 sa kanilang bill.
BAKIT TUMAAS ANG SINGIL?
Ipinaliwanag ng Meralco na ang pagtaas ay pangunahing sanhi ng transmission charge, na pumalo sa P0.1975/kWh.
“This was due to a significant increase in ancillary service charges from the Reserve Market incurred by the National Grid Corporation of the Philippines and higher power delivery service charges,” ani Meralco.
Dagdag pa rito ang pagtaas ng Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) sa P0.27/kWh, na tumutulong sa subsidiya para sa mga remote na lugar na hindi konektado sa grid.
Sa kabilang banda, nakatulong naman sa pagpapagaan ng pagtaas ang generation charge, na bumaba ng P0.1073/kWh sa P7.6398/kWh.
Binanggit din ng Meralco na bumaba ang singil mula sa independent power producers (IPPs) ng P0.8108/kWh, na nakatulong upang mapantayan ang pagtaas mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at power supply agreements (PSAs).
















