Pinasinungalingan ng Malacañang ang akusasyon ng ilang kongresista na may alam si Pang. Ferdinand Marcos, Jr. sa natanggap na “kickback” ng ilang matataas na opisyal mula sa flood control projects.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, na nagawa naman na ng Kamara ang kanilang mandatong imbestigahan ang pagdadawit sa pangulo sa flood control scandal, kung saan dumaan naman sa proseso at natukoy na walang basehan.
Ayon kay Castro, hindi dapat magamit na armas ang anumang paninira na walang matibay na basehan, para lang pahinain ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno.
Dumistansya naman ang Palasyo nang tanungin kung dapat bang magsalita ang opisyal na iniuugnay sa isyu.
Tumanggi rin si Castro na pasinungalingan ang akusasyon dahil maging sila ay hindi pa nakikita ang umano’y text message sa pagitan ng pangulo at ni dating Usec. Adrian Bersamin, na umano’y “bagman” ng presidente.
Binigyang diin ng Malacañang ang nais ng pangulo na tutukan muna ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa, at hayaan ang ibang ahensya na imbestigahan ang anumang impormasyon kaugnay ng flood control scandal.










