-- Advertisements --

Muling nagbigay ng matinding babala si U.S. President Donald Trump sa Iran habang umiigting ang tensyon kaugnay ng pagbubukas sa Strait of Hormuz.

Sa isang post sa Truth Social nitong Martes ng umaga (araw sa Pilipinas) sinabi ni Trump na posibleng magkaroon ng malawakang sakuna kung hindi maaabot ang pansamantalang kasunduan.

“A whole civilization will die tonight, never to be brought back again. I don’t want that to happen, but it probably will,” pahayag ni Trump.

Dagdag pa niya, umaasa siya na ang posibleng pagbabago sa pamumuno ng Iran ay maaaring magbunga ng positibong resulta. “Maybe something revolutionarily wonderful can happen… one of the most important moments in the long and complex history of the world,” dagdag ni Trump.

Nagbigay din si Trump ng ultimatum sa pamahalaan ng Iran hanggang alas-8 ng gabi (Eastern Time) upang papayag sa isang ceasefire, na kinabibilangan ng pagbubukas ng Strait of Hormuz.

Screengrab from Donald J. Trump / Truth Social

Sunod-sunod na babala at pagpapaliban

Noong Marso 21, 2026, una nang nagbanta si Trump na tatamaan at wawasakin ang mga power plant ng Iran kung hindi bubuksan ang nasabing daanan sa loob ng 48-oras.

Gayunman, makalipas ang dalawang araw, sinabi niyang naging “produktibo” ang pag-uusap ng dalawang bansa kaya pansamantalang ipinagpapaliban niya ang planong pag-atake ng limang araw.

Hanggang noong Marso 27, muli niyang ipinagpaliban ang plano sa loob ng 10 araw, umano’y ayon sa kahilingan ng pamahalaan ng Iran, na nagtakda ng bagong deadline sa Abril 6, 2026.

Habang papalapit ang naturang petsa, muling nagbabala si Trump noong Biyernes na may “48 hours” na lamang ang Iran bago niya pakawalan ang “all hell.”

Sa isa pang post noong Linggo, muli siyang nagbanta at tinukoy ang araw ng Martes bilang “Power Plant Day” at “Bridge Day,” na kalaunan ay nilinaw niyang magaganap nitong alas-8 ng gabi (Eastern Time).

Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang ruta ng langis sa mundo, kaya’t anumang pagsasara o kaguluhan dito ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa pandaigdigang ekonomiya at seguridad.

Sa kasalukuyan, ‘wala pang opisyal na tugon ang Iran sa bagong ultimatum ng Amerika.