Gagamitin ng Philippine Army (PA) ang mga bagong kagamitan pandigma sa ilalim ng Salaknib Exercises 2026, kabilang ang Ascod tanks, self‑propelled 155mm artillery, ATMOS (Autonomous Truck Mounted Howitzer System), at iba pang kasangkapang nabili sa ilalim ng AFP Modernization Program. Subok din ang mga bagong Armored Escort Vehicles (AEV) sa naturang simulation.
Ayon kay PA Spokesperson Col. Louie Dema‑Ala, ihahanay ang mga bagong kagamitan ng hukbo sa mga dala ng US Army Pacific, Japan Ground Self‑Defense Force, Australian Army, at New Zealand Army, na pawang may ipinadalang contingent sa Northern Luzon, ang pangunahing venue ng military drill.
Sa kasalukuyan, hindi pa tiyak kung gagamitin sa drill ang Typhon Missile System ng US, na dati nang kinuwestiyon ng ilang bansa gaya ng China dahil umano sa banta nito sa regional security sa Asia‑Pacific.
Paliwanag ni Col. Dema‑Ala, tanging ang liderato ng AFP at US Armed Forces ang may kapangyarihang magdesisyon kung isasama ito sa simulation.
Ang Salaknib 2026 ang may pinakamalaking bilang ng kalahok mula nang simulan ang naturang pagsasanay, na may mahigit 7,000 sundalo mula sa limang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Dahil sa lawak ng mobilisasyon, inabisuhan na rin ng PA ang mga residente sa Northern at Central Luzon hinggil sa presensiya ng military trucks, aircraft, at mga sundalo mula sa US, Japan, at iba pang kasali sa drill.
















