Binalaan ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang kamara hinggil sa umano’y hindi nito pagkilala sa ipinadalang ‘subpoena’ ng tanggapan.
Partikular na kanyang binigyang babala ang mismong Secretary General ng House of Representatives na si Cheloy Garafil kung magpapatuloy pa rin ang ganitong asal ng kongreso.
Ayon kasi kay Ombudsman Remulla, nitong nakaraan nang magpadala ng ‘subpoena’ ang tanod-bayan, hindi raw ito tinatanggap miski ‘security’ ng kamara.
Hiling raw sa inilabas na kautusan na makuha ang kopya ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ng isa sa mga empleyado nito.
Kung kaya’t dahil hindi tinanggap ang ‘subpoena’, inanunsyo at ipinababatid ng tanod-bayan sa publiko ang maigting nitong babala sa opisina ng House Secretary General.
Kaugnay ang naturang ‘subpoena’ sa layon makuha ang SALN partikular ng pinangalanang si House Deputy Secretary General Sofronio Gabonada.
May kinalaman aniya ito sa inihahandang kasong plunder laban sa mga sangkot na kongresista sa maanomalyang flood control projects.
Kung kaya’t mariin pang babala ni Ombudsman Remulla na kanilang hindi palalagpasin balewalain ng kamara ang tanggapan ng tanod-bayan.
Bukod pa rito, nagbigay ng ‘ultimatum’ si Ombudsman Remulla sa House Secretary General na kung hindi maibibigay ang mga hinihinging kopya ng SALN ngayong linggo, parusang ‘suspensyon’ ang ipapataw sa naturang opisyal ng kongreso.
Sa inilabas namang pahayag ni House Secretary General Garafil, depensa niya’y malaki ang paggalang ng kanyang opisina sa Office of the Ombudsman.
Wala aniya silang intensyong magpakita ng kawalang-galang o pag-iwas na tugunan ang komunikasyon mula sa tanod-bayan kalakip pagtitiyak aasikasuhin ng naayon sa tuntunin at paggalang sa institusyon.
















