Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na ang mahigpit na pagpapatupad ng curfew sa mga menor de edad ay isang mahalagang hakbang upang ilayo ang mga kabataan sa impluwensya ng mga sindikato, kasabay ng pagtiyak ng mahigpit na koordinasyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang hindi maulit ang matinding siksikan sa mga youth shelters.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez, Jr., pangunahing layunin ng kanilang kampanya sa ilalim ng Safer Cities Initiative na protektahan ang mga kabataan.
Binalaan ng opisyal na madalas na sinasamantala ng mga kriminal at sindikato ang mga menor de edad na pakalat-kalat sa lansangan upang magamit sa iba’t ibang uri ng kriminalidad.
Upang mapawi ang pangamba ng publiko at ng iba’t ibang sektor, nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa DSWD bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga sasagiping bata sa mga isasagawang nighttime operations.
Ginawa ng PNP ang hakbang matapos maglabas ng matinding pagkabahala ang Children’s Legal Rights and Development Center (CLRDC) hinggil sa posibleng mabilis na pag-apaw ng kapasidad ng mga Bahay Pag-asa kung daan-daang bata ang huhulihin sa loob lamang ng isang gabi.
Hinimok ng CLRDC ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na muling pag-aralan at repasuhin ang polisiya ng malawakang curfew sa buong Metro Manila.
Binalikan ng grupo ang kinahinatnan ng anti-loitering campaign noong taong 2018, kung saan ang kawalan ng maayos na sistema ay nagresulta umano sa overcrowding at mga napaulat na kaso ng maling pagtrato sa mga kabataan sa loob ng mga pasilidad ng gobyerno.
Bilang tugon, tiniyak ng pamunuan ng pulisya na isasaalang-alang ang kapakanan ng mga bata at hindi lalabagin ang kanilang mga karapatan sa pagpapatupad ng batas.
















