Tiniyak ng Malacañang na hindi “pang-media” ang pagsasampa ng kaso kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects at sinisigurong dadaan ito sa tamang proseso.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, ang pagpapatupad ng hustisya ay dapat nakabatay sa matibay na ebidensya at hindi sa bugso ng emosyon o ingay sa publiko.
Tugon ito ni Castro sa mga katanungan tungkol sa posibleng pagsasampa ng kaso laban kina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Senate President Chiz Escudero.
Ipinunto ni Castro na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mismo ang nanguna sa pagpapaimbestiga sa mga nasabing proyekto, ngunit hindi gawain ng kasalukuyang administrasyon ang magsampa ng sakdal nang walang sapat na basehan o sa pamamagitan ng pagtatanim ng ebidensya.
Binigyang-diin ng opisyal na ang bawat rekomendasyon para sa pagsasampa ng kaso ay kasalukuyan nang masusing pinag-aaralan at binubusisi ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman.
Dagdag pa ni Castro, ang mga “nagiingay” sa media ay hindi nakakatulong sa seryosong proseso ng imbestigasyon at pagpapanagot sa mga tunay na may sala sa bayan.










