Hinamon ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson Jude Acidre na dalhin sa tamang proseso at maglabas ng ebidensya ang sinumang nagpapakalat ng paratang na may nagaganap na panunuhol upang isulong ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang pahayag ng mambabatas ay direktang tugon sa alegasyon ni Navotas Representative Toby Tiangco na umano’y may iniaalok na pondo at pabor kapalit ng lagda ng mga kongresista para suportahan ang reklamo.
Mariing pinabulaanan ito ni Acidre at tahasang tinawag ang paratang bilang categorically false.
Iginiit ni Acidre na walang direktiba, panghihikayat, o anumang uri ng pressure na nanggagaling sa liderato ng Mababang Kapulungan, kabilang na kay dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez, upang makakuha ng pirma kapalit ng salapi.
Aniya, sa halip na puro akusasyon, dapat itong patunayan at ihain sa tamang forum.
Binigyang-diin ng kongresista na ang pagsuporta sa nasabing impeachment complaint ay hindi nakasandal sa pamumulitika o suhol, kundi sa mismong bigat ng mga ebidensyang inilatag sa mga opisyal na pagdinig ng komite.
Ayon kay Acidre, ang kanyang desisyon ay nag-ugat matapos niyang personal na suriin ang mga dokumento at pakinggan ang mga testimonya ng mga resource persons, na nagpapakita ng merito ng reklamo laban sa Pangalawang Pangulo.
















