Ipinahayag ng ilang senador ang kanilang suporta sa Department of Energy (DOE) na magtakda ng minimum and maximum fuel price adjustments sa gitna ng umiiral na state of national energy emergency.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ping Lacson, mas mainam ang ganitong regulasyon kaysa hayaang ang mga kumpanya ng langis ang magdikta ng presyo, basta’t tama at makatuwiran ang computation ng DOE.
Binigyang-diin din ni Lacson ang umiiral na kapangyarihan ng gobyerno sa ilalim ng Republic Act 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation Act, na nagpapahintulot sa DOE na umaksyon sa panahon ng emergency para protektahan ang publiko.
Suportado rin ito ni Senate President Vicente ”Tito” Sotto III, at iginiit na tama lamang na may kontrol sa presyo ng langis. Gayunpaman, muling isinulong ni Sotto ang panawagan na repasuhin o alisin na ang oil deregulation law upang mas magkaroon ng direktang kontrol ang gobyerno sa presyo ng petrolyo.
Samantala, sinabi naman ni Senate Finance Committee Chairperson Sherwin Gatchalian na ang hakbang ng DOE ay makatutulong bilang agarang lunas sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis simula noong Marso. Mahalaga din daw ang “unbundling” o malinaw na breakdown ng presyo upang matiyak na hindi gawa-gawa ang dagdag-singil ng mga kumpanya ng langis.
Dagdag pa ni Gatchalian, dapat patuloy na gamitin ng pamahalaan ang emergency powers nito at tiyakin na may sapat na paliwanag ang DOE at oil companies sa paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo.
Samantala, dismayado naman si Senador Imee Marcos, at sinabing huli na ang naging aksyon ng DOE.
Ayon sa kanya, dapat sana ay agad na ipinatupad ang ganitong hakbang matapos ideklara ang state of energy emergency, at hindi na sana umabot sa malalang epekto sa transportasyon, agrikultura, at kabuhayan ng ilang Pilipino.
















