-- Advertisements --

Tumestigo si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineer Henry Alcantara sa Sandiganbayan na tanging 30% ng pondo na inilaan ng gobyerno para sa flood control projects ang nagamit para sa ganap na implementasyon ng proyekto.

Sa isinagawang bail hearing sa malversation case nina dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at kaniyang co-accused, sinabi ni Alcantara na karamihan sa pondo ay kinaltasan ng iba’t ibang deductions.

Sinabi ni Alcantara sa korte na sa bawat P100 alokasyon ng Kongreso para sa flood control, tanging 30% hanggang 35% ang naiwan para sa implementasyon ng proyekto matapos ang pagtapyas para sa mga komisyon, royalties, buwis at retention fees.

Ayon kay Alcantara, nakatanggap ang mga proponent ng 30% ng pondo ng proyekto, habang ang mga kontraktor ay nakatanggap ng 3%.

Inamin din ni Alcantara na personal siyang nakatanggap ng nasa pagitan ng 1.5% at 2% na komisyon. Nilinaw naman ni Alcantara na ang naturang scheme ay para lamang sa flood conrol projects habang para sa ibang proyektong pang-imprastruktura ay nasa 70% ang napupunta para sa aktwal na implementasyon.

Gayundin, tumestigo si Alcantara na naghatid siya ng nasa pagitan ng P1.75 billion at P1.8 billion kay dating DPWH USec. Roberto Bernardo may kaugnayan sa infrastructure projects.

Subalit nilinaw ni Alcantra na hindi nakatanggap si Bernardo ng anumang share mula sa partikular na proyekto dahil hindi siya parte ng implementasyon.

Tinukoy naman ni Alcantara si Revilla bilang proponent, base sa verbal instruction mula kay Bernardo. Sa kabila nito, inamin ng dating DPWH official na wala siyang pruweba na nakatanggap si Revilla ng anumang bayad.

Nauna naman nang pinabulaanan ni Revilla ang mga alegasyon nakatanggap siya ng kickback mula sa maanomaliyang proyekto.