Iginiit ni Department of Budget and Management (DBM ) Secretary Kim Robert de Leon na walang “leadership fund” sa ilalim ng panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Ginawa ng DBM chief ang pahayag nang tanungin ni Calocan City 2nd District Rep. Edgar Erice sa pagsisimula ng deliberasyon ng panukalang P7.2 trilyong pondo sa 2027 nitong Lunes, Agosto 17 kung nasuri nang maigi ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at kung “natuto” na sa gitna ng mga kontrobersiyang bumabalot sa flood control projects.
Nauna na kasing lumutang sa judicial affidavit ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na mayroong pondong nakalaan umano para sa mga senador na nagkakahalaga ng P500 million para sa priority projects.
Subalit ayon kay Budget Sec. de Leon, wala silang alam kaugnay ng naturang alokasyon dahil sinusuri lamang nila ang mga isinusumiteng panukalang pondo ng ahensiya.
Giit pa ni Sec. de Leon na suportado ng kumpletong dokumentasyon ang bawat proyekto sa ilalim ng DPWH na nasa National Expenditure Program (NEP) o panukalang pondo ng administrasyon para sa 2027.
















