-- Advertisements --

Umapela si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na boluntaryong huwag munang tumanggap ng kanyang sweldo at allowances sa Senado habang hindi siya pumapasok sa trabaho.

Ayon kay Ejercito, mula pa noong Nobyembre 2025 ay hindi na nakikita si Dela Rosa sa Senado matapos iulat ang umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang naging papel sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Dagdag niya, ang serbisyo publiko ay tiwala ng taumbayan kaya dapat may pananagutan ang mga halal na opisyal.

Sinabi rin ng Deputy Majority Leader na maaaring kailangan pang amyendahan ang mga patakaran ng Senado upang magkaroon ng malinaw na parusa para sa mga matagal na um-absent sa trabaho, dahil wala pa umanong umiiral na rules na puwersahang makakapag-sanction sa kanila.

Matatandaan na si Dela Rosa rin ang may pinakamatagal na uma-absent sa Senado mula noong Hulyo 28, 2025 hanggang Marso 18, 2026.

Sa ngayon, wala pang pinal na aksyon ang Senado tungkol sa panukalang “no work, no pay” policy para sa mga absent na senador.