Iginiit ni Senator Rodante Marcoleta nitong Huwebes na na-misinterpret ang kanyang pahayag tungkol sa Kalayaan Island Group at Exclusive Economic Zone ng bansa.
Nilinaw niya na ang sinabi niyang “give up” ay tumutukoy lamang sa mapping o pagbuo ng mapa, at hindi sa aktwal na pag-aari ng mga isla.
Aniya, layunin lang nito na magkaroon ng legal na basehan sa pagdedeklara ng West Philippine Sea.
Tinuligsa rin ni Marcoleta ang mga kritiko niyang nag-akusa sa kanya ng pagiging traydor, at binigyang-diin na ang tunay na traydor ay yaong hindi nagpapaliwanag sa claims ng Pilipinas.
Samantala, plano ng mga residente ng Kalayaan Island Group na maghain ng resolusyon sa Sangguniang Pambayan sa Palawan para alisin sa record ng Senado ang pahayag ni Marcoleta.
Ayon kay Vice Mayor MP Albayda, labis silang nasaktan sa sinabi ng senador, lalo’t ang kanilang mga mamamayan ay nagtiis ng maraming sakripisyo upang manatili sa kanilang mga isla.
















