LAOAG CITY – Iginiit ni Department of Public Works and Highways Sec. Vince Dizon na hindi ghost project ang kontrobersyal na Loing-Mangitayag Bridge sa Barangay Loing sa bayan ng Piddig dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Aniya, hindi ghost project ang proyekto dahil may naipatayo naman ngunit hindi natapos dahil kulang at ubos na ang pondo nito.
Ipinaalam niya na naglabas ng mahigpit na utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways na dapat iprayoridad ng ahensya ang pagkumpleto ng mga proyektong nakabinbin pa.
Ipinaliwanag niya na ang mga ito ay nangyayari dahil ang mga proyekto ay hindi napopondohan ng maayos na humahantong sa pagkaantala sa kanilang pagpapatupad.
Kaugnay nito, natapos na ang Phase 1 ng P30 milyong proyekto na sumasaklaw sa pundasyon at poste ng tulay kung saan humiling ang ahensya ng karagdagang P20 milyon para sa Phase 2 at ganap na pagkumpleto ng 61-meter bridge.
Ang proyekto ay magbibigay-daan sa mga motorista na makabiyahe nang mas mabilis mula sa Barangay Loing hanggang sa Barangay Bimmanga, Mangitayag at Tonoton.
Samantala, sinabi ni Sec. Dizon na ang tatlong tulay na ginagawa sa Loing-Mangitayag, Cabaroan at Estancia ay matatapos ngayong taon.















