-- Advertisements --

Ipinatupad ang temporaryong suspensyon ng Permit to Carry Firearms Outside Residence sa Bohol kaugnay ng pagdaraos ng ASEAN Finance and Central Bank Deputies’ Meeting–Working Group (AFCDM-WG) at mga kaugnay na pulong.

Nagsimula ang suspensyon alas-12:01 ng madaling araw kahapon, Pebrero 9 at tatagal hanggang Pebrero 14.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay PMaj. Rey Olar, tagapagsalita ng Bohol Provincial Police Office, sinabi niyang ang hakbang ay bahagi ng pinaigting na seguridad upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan habang nagho-host ang Pilipinas ng mahahalagang international na pagpupulong sa Panglao, Bohol.

Ayon pa kay Olar, saklaw ng suspensyon ang mga permit ng gun clubs at manufacturers, pagdadala ng baril sa labas ng tahanan, pagbili at pag-transport ng fireworks, operasyon ng firing ranges, gayundin ang mga lisensya sa paggawa at pagbebenta ng fireworks at pyrotechnic devices.

Samantala, pangungunahan ng Department of Finance (DOF) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang limang araw na pagpupulong bilang mga co-chair ng ASEAN Finance Track, na dadaluhan ng mga opisyal mula sa 11 ASEAN Member States.

Bilang bahagi ng 2026 ASEAN Chairship ng Pilipinas, itutulak ang tatlong priority economic deliverables kabilang ang sustainable at resilient capital markets, financial health, at cross-border payments upang palakasin ang pamilihang pinansyal at regional payment connectivity alinsunod sa G20 roadmap.