Stranded ngayon ang mahigit 40,000 overseas Filipino workers (OFWs) kasunod ng deployment ban sa mga bansa sa Middle East sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa rehiyon.
Kabilang sa mga apektado ay ang mga OFW na nakatakda sanang magtrabaho sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait, Bahrain, Oman, Qatar, Israel at Lebanon.
Ang mga stranded OFWs ay nasa accommodation centers ng agencies na nagpapadala ng household service workers o pinabalik muna sa kani-kanilang probinsiya habang ang iba naman ay re-hire o nakabakasyong mga manggagawa na hindi natupad ang kanilang mga kontrata dahil hindi agad nakabalik dulot ng kawalan ng flights sa rehiyon.
Samantala, nakapag-repatriate na ang pamahalaan ng mahigit 4,000 OFWs at kanilang dependents maliban pa sa mga stranded na mga Pilipinong turista mula Dubai at Jordan.
Nitong weekend, mayroong kabuuang 585 Pilipinos ang na-repatriate mula Qatar.














