Kinilala ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) bilang buhay na simbolo ng tapang, sipag at pag-asa kasabay ng pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ngayong Biyernes, Hunyo 12.
Sa isang video message, binigyang-diin ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cadac na saan mang larangan ipinapakita ng mga OFW ang galing, malasakit, disiplina at dangal ng lahing Pilipino.
Kinilala rin ng kalihim ang mga sakripisyo at pagmamahal sa bayan ng mga bayani at lahat ng mga Pilipinong nagbuwis ng buhay upang makamit ang kasalukuyang tinatamasa nating kalayaan.
Ang kanilang halimbawa aniya ang patuloy na nagpapaalala na ang kalayaan ay hindi lamang bahagi ng ating kasaysayan kundi isa ring pananagutan na dapat nating isabuhay, pangalagaan at ipamana sa susunod na henerasyon.
Binigyang-diin din ng kalihim ang importansiya ng tema ng pagdiriwang ng Independence Day ngayong taon na mas magiging matatag ang ating bansa kung hindi natin kakalimutan ang mga aral ng nakaraan.
Aniya, ang tunay na kalayaan ay ang mamuhay ng may dignidad, magtrabaho nang may layunin, at mangarap nang walang takot.
Ito aniya ang uri ng kalayaan nais nilang maramdaman ng bawat kabataan, pamilya at bawat overseas Filipino worker (OFW), na patuloy na nagsisikap at nagsasakripisyo para mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang mga mahal sa buhay.
Kaugnay nito, tiniyak ni Sec. Cacdac na kanilang isasabuhay ang kalayaan na ito sa pamamagitan ng pangangalaga sa kapakanan, karapatan at dignidad ng mga OFW.















