-- Advertisements --

Positibo ang pananaw ng isang lider ng ‘civic-society groups’ na mas mapagtitibay pa ang ugnayan ng bansang Pilipinas at Saudi Arabia sa ilalim ng Vision 2030.

Sa loob ng ilang dekadang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa, umaasa itong higit pa sa usapin paggawa at remittances ang kaaabangan sa mga susunod na panahon.

Ayon kay Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY), Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER) at iba pa, oras na para lampasan ang nakasanayan ugnayang sentro sa pagpapadala ng pera o ‘remittances’ ng mga Overseas Filipino Workers o OFW’s.

Aniya’y dapat itong palawakin upang matutukan ang mas malalim na kooperasyon sa pamumuhunan, serbisyo, food security, enerhiya at human capital development sa ilalim ng Saudi Vision 2030.

Naniniwala na ang mga manggagawang Pilipino na nasa ‘abroad’ ay may mahalagang naging papel sa bansa partikular sa kalusugan, inhinyeriya, edukasyon, konstruksyon, hospitality, at iba pang pangunahing industriya ng Saudi Arabia.

Kanya ring sinabi ang paniniwalang mas malaki ang maiaambag ng mga Pilipino, higit pa sa pagpapadala ng mga manggagawa.

Ito raw ay sa pamamagitan ng mga negosyo, institusyon, mga negosyante, at pati mga Pilipinong matagal nang bahagi sa sinasabing pag-unlad ng naturang bansa.

Subalit iginiit niyang hindi sapat na ugnayang diplomatiko lamang kundi kinakailangan samahan ng mas matibay na koneksyon sa mga pribadong sektor.

Kung kaya’t sa huli’y hamon aniya na mapalawak ang samahan ng dalawang bansa, gamit ang pundasyon ng tiwala at pagkakaibigan.