-- Advertisements --

Nagbanta ang Houthi rebels ng Yemen na ipagpapatuloy ang mga pag-atake sa mga paliparan at pasilidad ng langis sa Saudi Arabia matapos tamaan ng pag-atake ang headquarters ng Saudi Aramco sa Dhahran.

Ayon sa grupo, naglunsad sila ng missiles at drones laban sa mga pasilidad ng Aramco at King Khalid International Airport sa Riyadh. Hinimok din nila ang mga sibilyan at manggagawa na lumikas sa mga lugar na idineklara nilang target-militar.

Samantala, sinabi ng Saudi-led coalition na naharang nito ang isang ballistic missile na pinaputok patungong Riyadh. Ayon sa Saudi Energy Ministry, nagkaroon ng limitadong sunog sa Aramco headquarters ngunit walang naiulat na nasawi o nasugatan.

Pinalala ng mga pag-atake ang sigalot sa rehiyon. Pansamantalang isinara ang Riyadh airport hanggang Oktubre 17, habang kinansela ng ilang airline ang kanilang mga flight patungong Saudi Arabia.