-- Advertisements --

Panagutin umano si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pagpatay, wakasan ang karahasang nagdulot ng matinding trauma sa mga pamilya, at isulong ang katarungang panlipunan, ito ang tatlong pangunahing panawagan ng mga kaanak ng mga biktima ng madugong kampanya kontra droga kasabay ng pagsisimula ng paglilitis sa International Criminal Court (ICC) ngayong araw, Nobyembre 30, 2026.

Inilahad ito ni Rubilyn Litao, coordinator ng Rise Up for Life and for Rights, sa isinagawang press conference ng Duterte Panagutin Campaign Network sa The Hague, Netherlands kahapon.

Ayon kay Litao, hindi pinili ng mga biktima ang kanilang kahirapan kundi bunga ito ng umiiral na kawalan ng katarungan at karahasan, lalo’t karamihan sa mga nasawi ay mula sa maralitang komunidad sa kalunsuran tulad ng mga basurero, construction worker, vendor, at iba pang ordinaryong manggagawang bumubuhay sa kanilang pamilya.

Dagdag pa niya, marami sa mga biktima ang pinaratangang sangkot sa iligal na droga habang ang iba ay wala namang kaugnayan dito at pawang mga maralita lamang na naghahanapbuhay.

Nanawagan din si Litao sa mga human rights group, lider ng simbahan, at iba pang tagapagtanggol ng karapatang pantao na makiisa sa mga pamilya at suportahan ang kanilang paghahanap ng hustisya sa pagbubukas ng makasaysayang paglilitis kay Duterte sa The Hague.