Nagbabala si Jaro Archdiocesan Social Action Center Director Msgr. Meliton Oso sa mga mananampalataya laban sa labis na paggamit ng teknolohiya, partikular ang artificial intelligence (AI), na maaaring maging dahilan ng kanilang paglayo sa Diyos.
Sa kaniyang homiliya kaugnay ng pagsisimula ng Adbiyento, ang panahon ng paghihintay at paghahanda para sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang, sinabi ni Oso na isa ang teknolohiya sa mga pangunahing distraksyon ngayon na kumukuha ng oras at atensyon ng mga tao.
Binigyang-diin niya na ang labis na paggamit ng social media at iba pang entertainment platforms ay maaaring mauwi sa addiction o bisyo, kaya nababawasan ang oras para sa pananalangin, pagbabasa ng Bibliya, at iba pang gawaing espirituwal.
Pinaalalahanan din ni Oso ang mga Kristiyano na manatiling mapagmatyag at alerto upang hindi manghina ang kanilang pananampalataya at maging handa sa pagbabalik ni Hesukristo.
Dagdag pa niya, hindi sapat ang pagiging madasalin lamang dahil kailangan ding maging responsable sa lipunan ang mga mananampalataya sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa at pagsusulong ng kabutihan ng komunidad.














