-- Advertisements --

Hinimok ng isang non-government organization (NGO) ang iba pang mga biktima ng war on drugs na lumantad at magbigay ng testimoniya sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Sa isang statement, hinikayat ng grupong Duterte Panagutin Campaign Network ang sinumang apektado ng mga pagpatay, iligal na pag-aresto at pagkulong, pag-torture at iba pang krimen may kinalaman sa war on drugs na makipag-ugnayan sa kanila para sa kaukulang tulong para mapanagot aniya ang dating Pangulo.

Anuman aniyang impormasyon na ipapaabot sa kanila ay magiging confidential at hindi ito ilalabas sa publiko o sa sinuman nang walang permiso.

Ipinunto naman ng organisasyon na may tiyansang magamit sa kaso ni Duterte sa ICC ang ibibigay na testimoniya kapag ang testigo ay kamag-anak o malapit na kaibigan ng biktima ng drug war o personal na apektado sa mga pagpatay.

Gayundin, kapag ang krimen ay nangyari mula November 1, 2011 at March 16, 2019, noong panahong nanungkulan bilang alkalde ng Davao City si Duterte hanggang sa unang kalahati ng kaniyang pagsisilbi bilang Pangulo ng bansa bago tuluyang tumiwalag ang PH sa ICC.

Saad din ng NGO na maaaring maisama bilang parte ng paghahain ng mga kaso sa lokal na korte ang testimoniya ng mga biktimang apektado ng pag-aresto, torture at iba pang panga-abuso na hindi saklaw ng scope sa kaso laban sa dating Pangulo sa ICC.