Nagkasa ang Philippine Coast Guard (PCG) ng search and rescue operations sa 21 Pilipinong tripulante na sakay ng tumaob na cargo vessel na M/V Devon Bay na may kargang iron ore malapit sa Scarborough o Panatag Shoal.
Idineploy ng PCG ang dalawang barko nito na BRP Teresa Magbanua at BRP Cape San Agustin gayundin ang dalawnag PCG aircraft para sa paghananap sa mga sakay ng cargo vessel.
Base sa inisyal na ulat, umalis ang naturang cargo vessel sa Gutalac, Zamboanga del Sur at naglayag patungong YangJiang, China nang mangyari ang insidente.
Huling lokasyon ng barko ay malapit sa Sabangan Point, Agno Bay, Pangasinan nitong gabi ng Enero 22, na pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ngayong Biyernes, nakakuha ng impormasyon ang PCG Command Center mula sa Hong Kong Maritime Rescue Coordination Centre na nasa 10 mula sa 21 Pilipinong tripulante ang nasagip ng dumaang China Cost Guard vessel.
Isinagawa ng CCG vessel ang humanitarian mission alinsunod sa UN Convention on the Law of the Sea, kung saan minamandato ng lahat ng estado ang kanilang mga barko na tulungan ang mga indibidwal na nasa distress sa karagatan kabilang na habang dumadaan sa maritime zones o hurisdiksiyon ng ibang estado.
Ayon kay PCG spokesperson Capt. Noemie Cayabyab, patuloy na nakamonitor ang Coast Guard sa sitwasyon at nananatiling fully committed para tiyakin ang kaligtasan ng iba pang mga Pilipinong tripulante.















