-- Advertisements --

Namataang nagsagawa ng shadowing o pagsubaybay ang dalawang barkong pandigma ng China sa maritime exercise ng Pilipinas kasama ang Amerika at Australia malapit sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea nitong Lunes, Pebrero 16.

Ayon kay BRP Teresa Magbanua Executive Officer Capt. Adrian Vargas, biglang sumulpot o lumitaw ang mga barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) subalit nanatili ang mga ito sa labas ng “operation box” o ang itinakdang area sa karagatan kung saan isinasagawa ang pagsasanay ng naval forces.

Sa kabila ng presensiya ng mga barko ng China, tuluy-tuloy pa rin nang walang interference ang isinagawang ikalabing-apat na Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) sa WPS.

Wala ring radio challenge na naitala at sinubaybayan lamang ng Chinese warships ang ginagawang maritime drills.

Saad ni Capt. Vargas, na posibleng pinaiiral lamang ng panig ng China ang kanilang kalayaan sa paglalayag, kayat hindi na aniya sila nag-isyu pa ng radio challenge dahil hindi rin naman nanggulo ang mga ito sa kanilang pagsasanay.

Samantala, ilan nga sa mga isinagawang pagsasanay sa kasagagan ng maritime drills ay ang Communication Exercise, Maritime Domain Awareness, Joint Patrol, Division Tactics, Photo Exercise, Replenishment sa karagatan at hotwash debriefing.

Idineploy ang apat na surface assets para sa naturang aktibidad kabilang ang flagship vessel ng Philippine Coast Guard na BRP Teresa Magbanua, ang BRP Diego Silang ng Philippine Navy, USS Dewey ng US at HMAS Toowoomba ng Australia kasama pa ang mga air asset mula sa tatlong bansa.

Sa isang statement ngayong Martes, Pebrero 17, inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na matagumpay na nakumpleto ang dalawang araw na maritime exercises kasama ang Australian Defense Force at US Indo-Pacific Command mula Pebrero 15 hanggang 16.