Nagpakilos ang Philippine Coast Guard (PCG) ng dalawang barko na kinabibilangan ng BRP Teresa Magbanua at BRP Cape San Agustin at dalawang eroplano para sa search and rescue operations sa 21 Pilipinong tripulante ng M/V Devon Bay.
Ang naturang Singaporean-flagged cargo vessel na may kargang iron ore ay umalis mula Gutalac, Zamboanga del Sur patungong Yangjiang, China bago nagkaroon ng insidente.
Huling naitala ang posisyon ng barko sa 141 nautical miles kanluran ng Sabangan Point, Agno Bay, Pangasinan noong Enero 22, 2026, alas‑8:30 ng gabi.
Ayon sa ulat, nakatanggap ang PCG ng distress report na nakatagilid na ng 25 degrees ang barko.
Ngayong araw, nakumpirma ng PCG Command Center mula sa Hong Kong Maritime Rescue Coordination Centre na 10 tripulante ang nasagip ng China Coast Guard.
















