Umabot sa kabuuang 429 pasahero ang naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) na na-stranded sa iba’t ibang pantalan sa Central Visayas mula alas-4 ng madaling araw hanggang alas-8 ng umaga dahil sa bagyong Basyang.
Ayon sa PCG, pansamantalang sinuspinde ang mga biyahe ng mga sasakyang-dagat bilang pag-iingat para sa kaligtasan ng mga pasahero at tripulante.
Bukod sa mga pasahero, naapektuhan din ng kanselasyon ng biyahe ang 292 rolling cargoes, 46 sasakyang-dagat, at isang motorbanca.
Kabilang sa mga pantalan at anchorage areas na apektado sa rehiyon ang Polambato Pier, Carmen Port, Daanbantayan Pier, Hagnaya Port, Sitio Quasi, Samboan Port/Liloan Port, Tangil Wharf, Toledo City Port, Talisay City Anchorage, Pier 1, Pier 3, Naga Anchorage Area, at Labogon sa Mandaue.
Samantala, una nang nagbabala si weather specialist Ana Dumdum sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu na inaasahang magdadala ang bagyong Basyang ng panaka-nakang malalakas na pag-ulan at matitinding hangin sa Cebu at iba pang bahagi ng Central Visayas.
Pinaalalahanan pa ni Dumdum ang publiko na maging mas maingat, lalo na ang mga nasa lugar na madaling bahain at landslide-prone areas, at lumikas kung kinakailangan.
















