Umabot sa ₱676.6 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang ilegal na droga ang sinira at sinunog ng Philippine Drug Enforcement Agency-7 sa isang thermal facility sa lungsod ng Cebu nitong Martes, Hulyo 28.
Ayon sa ahensya, ito ang pinakamalaking drug destruction activity sa Central Visayas mula pa noong 2017, bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Pinangunahan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez ang seremonya, kung saan kinilala rin ang apat na civilian informants sa ilalim ng Operation: “Private Eye” dahil sa kanilang naging ambag sa mga operasyon kontra droga.
Kabilang pa sa mga winasak ang 99,450.2745 gramo ng methamphetamine hydrochloride (shabu), 2,539.577 gramo ng marijuana, 8.4 mililitro ng Nalbuphine hydrochloride, 18.1836 gramo ng ephedrine, at iba pang mapanganib na droga na nagkakahalaga ng ₱676,659,213.84.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Nerez ang kahalagahan ng pagtutulungan ng publiko at ng mga ahensiya ng pamahalaan sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Hinikayat din niya ang publiko na manatiling mapagmatyag at patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga hinihinalang ilegal na aktibidad.















