-- Advertisements --

ILOILO CITY – Tutulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Iloilo sa mga Ilonggo seafarers na kabilang sa mga na-rescue sa dalawang magkasunod na trahedya ng paglubog ng MV Devon Bay at MV Trisha Kerstin 3.

Tatlong taga-Iloilo ang sakay ng MV Devon Bay na nagmula sa Gutalac, Zamboanga del Norte at lumubog habang patungo sana ito sa China.

Ang mga Ilonggo na nakaligtas ay mga residente ng Estancia, Janiuay, at Barotac Viejo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cynthia Dario, pinuno ng Public Employment Services Office ng Lalawigan ng Iloilo, sinabi niya na sa ilalim ng programang Overseas Filipinos Migration and Development Center, maaaring makatanggap ang mga ito ng tig-P10,000 na tulong pinansyal bilang mga na-repatriate na overseas Filipino workers.

Ayon pa kay Dario, magbibigay rin ng psychosocial support sa kanila at ire-refer sila sa mga programang pangkabuhayan kung nais na nilang umuwi at manirahan sa lalawigan.

Samantala, sa paglubog naman ng MV Trisha Kerstin 3 sa Basilan noong Enero 26, may dalawa ring Ilonggo na sakay ng nasabing barko na pawang mga apprentice.

Ayon sa pahayag ng opisina, may inihandang referral assistance kung saan prayoridad ang psychosocial support sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office.