-- Advertisements --

Ipinahayag ni House Justice Committee chair GErville Luistro na maaaring matapos at mapagdesisyunan sa loob ng dalawang buwan ang mga reklamong impeachment laban kay VP Sara Duterte, mula sa pagsisimula ng trial proper.

Mag-uumpisa ang pagdinig kapag naisumite na ang lahat ng responsive pleadings, ang sagot ng Bise Presidente sa loob ng 10 araw, tugon ng mga complainant sa loob ng tatlong araw, at rejoinder ng kampo ni Duterte sa loob din ng tatlong araw.

Matapos nito, tutukuyin ng komite kung may sapat na batayan upang isulong ang pagdinig, kung saan maaaring mag-isyu ng subpoena at anyayahan ang mga testigo. Pagkatapos ng hearing proper, boboto ang panel kung may probable cause upang iakyat ang kaso sa plenaryo. Kailangan ang boto ng hindi bababa sa 105 mambabatas upang ma-impeach ang Bise Presidente.

Nakasaad sa mga reklamo ang umano’y betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution kaugnay ng paggamit ng P612.5 milyong confidential funds at banta umano laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kanyang pamilya. Ayon kay Luistro, maaari ring ipagpatuloy ang pagdinig kahit recess upang mapabilis ang proseso. (report by Bombo Jai)