Pinalakas pa ng Philippine Navy ang kanilang pwersa matapos pormal na i-komisyon ang BRP Diego Silang (FFG-07), ang ikalawang Miguel Malvar-class frigate ng bansa, sa Naval Operating Base-Subic sa Zambales.
Gawa sa South Korea ang barkong pandigma at may bigat na 3,200 tonelada, ang Diego Silang ay mas malaking bersyon ng Jose Rizal-class frigate.
Ito ay isang multi-role warship na kayang magsagawa ng anti-surface, anti-air, anti-submarine, at electronic warfare operations, at may mas mahaba at mas malakas na disenyo na nagpapalakas sa maritime defense ng Pilipinas.
Pinangunahan ni Defense Undersecretary Salvador Melchor Mison Jr. ang commissioning ceremony, kung saan sinabi niyang ang bagong barko ay patunay ng tuloy-tuloy na modernisasyon ng Philippine Navy at pagpapalakas ng kakayahang protektahan ang ating soberanya.
Giit naman ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta, na dumalo rin sa naturang seremoniya, na mahalaga ang pag-upgrade ng Navy upang tugunan ang lumalaking banta sa seguridad at masiguro ang ligtas na kinabukasan ng bansa.
















