-- Advertisements --

Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang nakikitang banta ng pag-atake mula sa Iran laban sa Pilipinas, sa gitna ‘yan ng lumalalang tensyon sa Middle East.

Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy, limitado lamang sa humigit-kumulang 2,000 kilometro ang abot ng missile system ng Iran. Aniya, nasa 7,500 kilometro ang layo ng Pilipinas mula sa Iran kaya’t malabo itong umabot sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Trinidad na maging ang strategic US-UK military base na Diego Garcia sa Indian Ocean ay hindi rin naaabot ng missile capability ng Iran.

Nilinaw din ng AFP na ang mga lugar na saklaw ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay mga pasilidad na pag-aari ng Pilipinas at hindi mga base militar ng Estados Unidos.

Ginagamit ang mga ito para sa humanitarian assistance, disaster response, at joint drills sa mga kaalyadong bansa, at hindi bilang offensive attacks.

Nauna rito, may mga lumabas na pahayag na maaaring maging target ng Iran ang mga EDCA site sakaling lumala ang sigalot sa pagitan ng Iran, Estados Unidos, at Israel.

Gayunman, mariing sinabi ng AFP na ang kasalukuyang hidwaan ay isang regional na usapin sa Middle East at hindi sangkot ang Pilipinas bilang proxy sa naturang sigalot.

Nanawagan ang militar sa publiko na manatiling kalmado, maging mapanuri sa impormasyon, at umasa lamang sa opisyal na pahayag ng pamahalaan.