Tiniyak ni House Committee on Justice Chair at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na walang magiging pagkaantala o shortcut sa pagtalakay ng mga impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Luistro, balak ng komite na ipagpatuloy ang mga pagdinig kahit sa panahon ng congressional recess na magsisimula sa Marso 18, upang hindi maantala ang proseso.
Sinabi rin niya na mahalagang mapanatili ang due process at laman ng kaso, kahit nais nilang mapabilis ang pag-usad ng imbestigasyon.
Nakitaan ng Justice Committee na sufficient in substance ang dalawang natitirang impeachment complaint laban sa pangalawang Pangulo kaya umusad na ito sa susunod na yugto ng proseso.
Inatasan din ng Komite si VP Sara na magsumite ng kanyang sagot sa loob ng 10 araw na hindi na maaaring palawigin.
Pagkatapos nito, may tatlong araw ang mga complainant para mag-reply, at tatlong araw din para sa rejoinder ng bise presidente.
Kapag natapos ang mga pagdinig, magpapasya ang komite kung may probable cause upang iakyat ang impeachment case sa Senado para sa paglilitis.
















