-- Advertisements --

Nangako ang pamahalaan ng Japan na ipagpapatuloy ang suporta sa pagsulong ng circular economy sa Pilipinas bilang tugon sa problema ng plastic pollution sa bansa.

Ayon sa Embassy of Japan in the Philippines, paiigtingin nila ang partnership ng Manila at Tokyo upang maisulong ang modelong circular economy, kung saan ang mga produkto ay irerecycle at muling gagamitin, at mababawasan ang basura.

Ani Japanese Ambassador Endo Kazuya, nahirapan din ang Japan sa isyu ng waste management at tinukoy ito bilang isang ”global challenge.”

Sinabi ng Envoy na susuportahan ng Japan ang Pilipinas sa pangangasiwa ng marine plastic pollution bilang bahagi ng mas malawak na international cooperation.

Tinutulungan ng Japan ang mga lungsod gaya ng Pasig sa pamamagitan ng programang “Accelerating Nationally Determined Contributions through Circular Economy in Cities” na ipinatutupad ng United Nations Development Programme (UNDP).

Kabilang sa mga hakbang na itinutulak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at environmental groups ay ang Extended Producer Responsibility Act, na nagpapanagot sa mga kumpanya sa paggamit ng plastic packaging.