Ipinadala ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Teresa Magbanua sa may Bajo de Masinloc matapos mamataan malapit sa lugar ang China Coast Guard (CCG) vessel 4305.
Sa isang statement, sinabi ni PCG spokesperson for West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na aktibong iniisyuhan ng BRP Teresa Magbanua ng radio challenge ang CCG vessel, na mariing iginigiit ang iligal na presensiya sa lugar na malinaw na paglabag sa 2016 Arbitral Award, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at Philippine Maritime Zones Act.
Namataan ang barko ng China sa distansiyang 42.77 nautical miles timog-silangan ng Bajo de Masinloc at 103.15 nautical miles timog-kanluran ng Capones Island, Zambales.
Inihayag naman ni Comm. Tarriela na nagpapakita ang radio challenges laban sa barko ng China ng hindi natitinag na commitment ng Pilipinas sa pagdepensa sa sovereign rights ng bansa at hurisdiksiyon sa loob ng ating exclusive economic zone (EEZ) gayundin ang pagpapatibay ng 2016 Arbitral Award na nagpapawalang bisa sa malawakang claims ng China sa pinagaagawang karagatan.
Ang presensiya din ng BRP Teresa Magbanua ay sumisiguro sa ‘di natitinag na suporta ng gobyerno sa mga mangingisdang Pilipino upang makapangisda ng ligtas at malaya nang walang takot mula sa harassment, intimidation o interference.
















