-- Advertisements --

Binigyang-diin ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang kahalagahan ng pagkilala at pagpapalakas ng moral ng mga pulis.

Sa kanyang keynote address kasabay ng kanyang pagbisita sa Bohol Provincial Police Office nitong Lunes, Marso 2,, ibinahagi ni NAPOLCOM Vice-Chairperson at Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan ang paglulunsad ng opisyal na NAPOLCOM Police Medals para sa mga pulis na nagpapakita ng natatanging pagganap sa tungkulin at mabuting gawi sa serbisyo.

Sinabi ni Calinisan na layon ng Komisyon na personal na makadaupang-palad ang mga pulis upang ipabatid na prayoridad ng kanilang pamunuan ang moral at kapakanan ng kapulisan.

Binigyang-diin pa niya na hindi lamang pagpapatupad ng disiplina ang mandato ng NAPOLCOM kundi pati ang pagkilala at pagsuporta sa mahusay na performance ng mga pulis upang maramdaman nilang sila ay pinahahalagahan ng pamahalaan.

Hinimok din niya ang kapulisan na patuloy na paglingkuran ang taumbayan nang may kababaang-loob at integridad, at igalang ang unipormeng kanilang suot bilang simbolo ng sakripisyo at tiwala ng publiko.