Tinanggihan ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela ang imbitasyon ni Sen. Rodante Marcoleta para sa isang “friendly debate” bago umano nito ikonsidera ang naunang alok na bumisita sa West Philippine Sea (WPS) at Kalayaan Island Group (KIG).
Ayon kay Marcoleta, nais muna niyang magkaroon ng talakayan kasama sina Tarriela, dating Associate Justice Antonio Carpio, at University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea director Jay Batongbacal.
“Before that, please inform Commodore Tarriela along with former Associate Justice Antonio Carpio. Who is the professor at UP? Let us have a friendly debate before going there,” pahayag ng senador. Aniya, layon nitong masiguro na ang usapin ay magagawa nang tama para sa kapakanan ng bansa.
Nauna nang inimbitahan ni Tarriela si Marcoleta na sumama sa isang Maritime Domain Awareness (MDA) flight patungong KIG matapos magpahayag ang senador na maaaring “isuko” ng Pilipinas ang nasabing island group dahil ang ilan sa mga feature nito ay nasa labas ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Sa isang Facebook post, mariing tinanggihan ni Tarriela ang panukalang debate.
“I would be happy to arrange a light-hearted discussion on less consequential matters—perhaps food preferences, current fashion trends, or other societal topics—but our nation’s territorial integrity and legal entitlements in the West Philippine Sea are not subjects for public debate,” ayon sa opisyal ng PCG.
Dagdag pa niya, naniniwala siyang tatanggi rin sina Justice Antonio Carpio at Professor Jay Batongbacal, pati na ang sinumang Pilipinong may malinaw na pag-unawa sa matibay na legal na posisyon ng bansa.
“Para sa amin, hindi ito debatable proposition; ito ay usapin ng settled law, national interest, at patriotic duty,” ani Tarriela.
Ipinaliwanag niya na ang soberanya at sovereign rights ng Pilipinas sa WPS ay malinaw na itinatag ng 2016 Arbitral Award, ng Konstitusyon, at ng mga umiiral na batas ng bansa, at hindi ito bukas sa negosasyon o pampublikong palabas.
Binigyang-diin din ni Tarriela na bilang senador, tungkulin ni Marcoleta na ipagtanggol ang mga karapatang ito.
Sa kabila nito, muling iginiit ni Tarriela na bukas pa rin ang kanyang imbitasyon kay Marcoleta na sumama sa isang Maritime Domain Awareness flight o sovereign patrol sakay ng PCG vessel sa KIG.
“My invitation to join a Maritime Domain Awareness flight or sovereign patrol onboard PCG vessel for a full experience in KIG—together with your son, who idolizes you—remains open!” ayon pa kay Tarriela.
Samantala, sinabi ni Palace press officer Claire Castro sa isang press briefing na bagama’t hindi maituturing na treason ang mga pahayag ng senador, ang mga patuloy na nagpapalaganap ng naratibong kahawig ng propaganda ng China ay dapat umanong maging handa sa posibleng public backlash.
















