-- Advertisements --

Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na kung siya ay mabibigyan ng pagkakataon, ipapabuwag niya ang Sangguniang Kabataan (SK) sa mga lokal na pamahalaan sa bansa.

Paliwanag ng kalihim, sa mahigit 42,000 barangay sa Pilipinas na may kani-kaniyang village councils, halos 50% ng mga SK ay hindi na gumagana sa unang taon dahil sa iba’t ibang dahilan.

Kabilang dito ang pagiging abala ng mga miyembro sa kanilang pag-aaral, ang iba ay nag-aasawa, habang ang ilan naman ay lumilipat ng tirahan.

Dagdag pa ni Remulla, makalipas ang dalawang taon matapos mahalal bilang SK, iilan na lamang ang natitira at aktibong miyembro sa bawat konseho.

Aniya, masyadong mataas ang attrition rate ng SK, lalo na sa mga probinsya.

Gayunpaman, kung hindi man posible ang pagbuwag sa Sangguniang Kabataan, iminungkahi ng kalihim na isailalim ito sa rebisyon o bumuo ng mga bagong estratehiya upang higit na mapalakas ang youth empowerment sa bansa.