Patungo na sa Cebu ang halos 40 doktor na sakay ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701).
Kasama rin nila ang ilang nurse at medical personnel mula sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ang deployment ay bahagi ng mabilis na pagtugon ng pamahalaan sa mga pangangailangan ng mga biktima ng malakas na lindol na tumama sa rehiyon kagabi.
Ang BRP Teresa Magbanua, isa sa pinakamodernong multi-role response vessels ng PCG, ay ginagamit sa mga humanitarian missions, search and rescue operations, at medical deployments sa mga lugar na apektado ng kalamidad.
Sa pagkakataong ito, layon ng mga medical frontliners na siguruhin ang kaligtasan, kalusugan, at seguridad ng mga residente sa mga apektadong lugar, habang nagbibigay ng direktang suporta sa mga lokal na ospital at evacuation centers.
Ayon sa PCG, ang misyon ay hindi lamang para sa agarang medikal na pangangailangan kundi para rin sa mas malawak na rehabilitasyon at pagbangon ng mga komunidad.
Kasama sa kanilang dala ang mga medical supplies, relief goods, at kagamitan para sa emergency response.