-- Advertisements --

Inanunsyo ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi na kabilang umano ang dalawang Pilipino sa 25 naaresto sa United Arab Emirates (UAE) dahil umano sa pagpopost ng mga larawan at videos sa social media platforms kaugnay sa mga airstrikes at kamakailan lamang na mga air defense interceptions sa Dubai.

Sa pahayag ng embahada, tiniyak nito na patuloy ang kanilang pakikipagugnayan at nagsasagawa ng close monitoring ang kanilang tanggapan hinggil sa mga impormasyon na ito para na rin sa opisyal na kumpirmasyon ng nasabing ulat.

Ibinibigay rin ng Philippine Embassy at maging ng Consulate General nito ang buong pagrespeto sa soberaniya ng UAE at maging ang karapatan nito na ipatupad ang kanilang mga umiiral na batas para sa pagtitiyak ng kanilang national security, paglaban sa cybersecurity threats at ang pagtitiyak na masusunod ang mgaumiiral na public order laws.

Kaugnay nito, pinalalahanan ng embahada ang mga Pilipino sa UAE na maging responsable at mas maging maingat sa pagbabahagi ng mga impormasyon sa social media at messaging platforms lalo na kung possible itong maging violation sa mga umiiral na batas ng kanilang mga hosting countries.

Inabisuhan din ang mga Pilipino sa rehiyon na iwasan ang pagkuha ng larawan, videos o maging ang pagkokomento sa mga hindi beripikado at sensitibong mga posts o content upang maiwasan ang pagpapalaganap ng unverified at speculative information.

Maliban dito, pinayuhan din ang mga kababayan sa UAE na mas magtiwala sa mga anunsyo at impormasyon mula sa mga UAE authorities sa ganitong mga sitwasyon.

Samantala, siniguro naman ng emebahada at ng Consulate General nito na patuloy silang makikipagugnayan sa mga otoridad ng UAE upang matiyak ang kalagayan ng mga naarestong Pilipino.