-- Advertisements --

Kasalukuyang bineripika ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat ng pamahalaan ng China ukol sa huli na higit 100 Pilipino dahil sa diumano’y paglabag sa mga batas sa imigrasyon. Inihayag ng ahensya na patuloy nitong inaalam ang eksaktong bilang at kasalukuyang kalagayan ng mga kababayang sangkot sa insidente.

Binigyang-diin ng DFA nitong Huwebes na nakikipag-ugnayan na ito sa Philippine Embassy sa Beijing pati na sa mga consulates-general ng Pilipinas sa China upang alamin ang buong pangyayari sa naitatalang pag-aresto. Layunin din ng pakikipag-ugnayan na matiyak ang tamang proseso sa ilalim ng batas at makapagpaabot ng kaukulang tulong konsular sa mga naapektuhang Pilipino.

Ayon sa pahayag ng kawanihan, nakatutok ang Foreign Service Posts ng bansa sa pag-alam sa sitwasyon upang masigurong naipagtatanggol ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino. Siniguro ng ahensya na nakahanda itong magbigay ng angkop na proteksyon at saklolo sa oras na maging malinaw ang detalye ng kaso.

Ang hakbang ng DFA ay kasunod ng pahayag ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun ukol sa mga Pilipinong kamakailan ay imbestigahan at hinawakan ng mga awtoridad sa China dahil sa diumano’y paglabag sa kanilang pambansang batas.

Paliwanag ni Guo, nagpapatupad ng mga espesyal na operasyon ang pambansang awtoridad sa imigrasyon ng China upang higpitan ang pagbabantay sa mga dayuhang ilegal na pumapasok, naninirahan, o nagtatrabaho sa kanilang bansa.

Ayon sa kaniya, isinagawa ang mga legal na hakbang laban sa higit 100 mamamayang Pilipino na natuklasang ilegal na nagtatrabaho o naninirahan sa China.