-- Advertisements --

Tumulong ang Philippine Embassy sa Austria sa mga Pilipinong nasa Croatia na posibleng naapektuhan ng malawakang wildfire doon.

Nakipag-ugnayan ang embahada sa mga Pilipinong nakabase sa Croatia upang alamin ang kanilang kalagayan at matukoy kung anong tulong ang maaari nitong maibigay.

Aabot sa 1,200 residente at turista, kabilang ang ilang overseas Filipino workers, ang inilikas matapos kumalat ang malaking wildfire sa ilang coastal city ng Croatia.

Mayroon nang hindi bababa sa isang nasawi dahil sa sunog.

Nagsimula ang wildfire malapit sa Lokva Rogoznica, isang lugar sa Omiška Dinara.

Inilarawan ito ng mga awtoridad bilang isa sa pinakamalalang wildfire na tumama sa Croatia nitong mga nakaraang taon.

Kabilang ang Croatia sa mga bansang nakararanas ngayon ng matinding init dulot ng heatwave, na nagpapataas ng panganib ng pagkalat ng mga wildfire.

Para sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong konsulado o assistance, maaaring makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Vienna o sa Migrant Workers Office.

Samantala, ang mga Pilipinong nasa Croatia na nangangailangan ng agarang tulong ay maaaring tumawag sa 112, ang emergency number ng bansa.